Umaabot na sa higit 500,000 ang bilang ng mga residente na nakatanggap ng booster shot sa lungsod ng Maynila.
Sa datos ng Manila Health Department, nasa 528,237 na ang naitalang naturukan ng booster shot kung saan higit 30% lamang ito ng kabuuang bilang ng mga nakatanggap ng second dose.
Nabatid na nasa 1,692,801 ang bilang ng naturukan ng second dose kaya’t patuloy ang panawagan ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa ibang residente na sumalang na sa booster shot.
Samantala, umaabot na sa 288,079 ang bilang ng mga menor de edad na naturukan ng bakuna kontra COVID-19 at 139,885 dito ang nakatanggap na ng second dose.
Nasa 100,857 naman ang bilang ng nabakunahan na mga bata sa lungsod ng Maynila at 44,236 sa nasabing bilang ang fully vaccinated na.
Patuloy naman ang ikinakasang pagbabakuna ng Manila Local Government Unit (LGU) sa mga malls, Rizal Park, Manila Zoo at Quiapo Church.