Kakaunti pa lamang ang nakatatanggap ng Enhanced Community Quarantine o ECQ ayuda kasabay ng 2 linggong lockdown sa National Capital Region (NCR).
Sa datos na iprinisenta ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG), nasa 29.31% pa lamang na kwalipikadong benepisyaryo ang nakakatanggap ng isa hanggang apat na libong pisong ECQ ayuda.
Pinakamarami nang naipamahaging tulong pinansyal ang Makati City na nasa 51.48% na sinundan naman ng Taguig 50.94%, Caloocan 45%, Marikina 36.02% at Pateros na nakapamahagi na ng 35.23% na ECQ ayuda.
Ito ay mula sa kabuuang P11,256,348,000.00 total fund allocations sa 16 na syudad at 1 munisipalidad sa Metro Manila na sakop ng ECQ hanggang Aug. 20, 2021.
Una nang itinakda ng DILG sa 15 araw ang pamamahagi ng ECQ ayuda pero maaari naman itong palawigin ng mga LGU dahil sa hirap na mamahagi ng ayuda sa gitna ng COVID-19 Delta variant.
Kailangan kasing masiguro na hindi dudumugin ang pamamahagi ng ayuda kaya binibigyang kapangyarihan ang mga LGU na magpatupad ng epektibong paraan na hindi ito magiging super spreader event.