Mga nakatenggang pondo ng DSWD, pinapalabas na ng mga senador

Kinalampag ng mga senador ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para ilabas na ang mga nakatenggang pondo nito para maitulong sa mga apektado ng pandemya at mga biktima ng kalamidad.

Sa budget deliberations ng Senado ay naungkat na mayroon pang ₱83 billion sa budget ng DSWD ang hindi pa nailalabas.

Ang ₱75 billion dito ay budget ng DSWD ngayong taon habang ang ₱6.7 billion ay nakapaloob sa Bayanihan 1 at Bayanihan 2 at ang ₱1.5 billion ay natira pa sa 2019 budget nito.


Una ng ikinumpara ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa krimen ang hindi pag-release sa nasabing salapi habang marami ang naghihirap, nawalan ng trabaho dahil sa pandemya at mga kalamidad.

Giit naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa DSWD, mag-ala Santa Clause na ito gamit ang nabanggit na salapi para matulungan ang mga higit na nangangailangan.

Dismayado naman sina Senator Pia Cayetano at Senator Imee Marcos dahil nakatengga rin ang ₱35 million na pondo para sa pagha-hire ng social workers na tututok sa foster care at adoption.

Facebook Comments