Hihilingin ng Optical Media Board (OMB) kay Pangulong Rodrigo Duterte na payagan silang ipamahagi na lamang sa mga mahihirap na estudyante ang mga nakumpiskang piniratang computer at gadget sa kanilang mga isinagawang operasyon.
Ayon kay OMB Chairman Atty. Christian Natividad, nais nilang magamit ng mga mag-aaral sa distance learning ang mga nasabat na computers at gadgets.
Paliwanag ni Natividad, sa halip na sirain ang mga ito, hihingin nila ang pahintulot ng Pangulo para dalhin sa mga eskwelahan at Local Government Unit (LGU’s) ang mga nakuhang kontrabando.
Matatandaan na kamakailan ay nasabat ng OMB sa 3M Compound Brgy. Sta Rosa Marilao, Bulacan ang hindi bababa sa ₱200 million na halaga ng mga piniratang computers at gadgets.
Iligal umano na nakapasok ang mga ito sa Bureau of Customs matapos mabigo ang may-ari na Filipino-Chinese na makapagpakita ng import permit.
Nahaharap sa kasong administratibo at kriminal ang may-ari at walong empleyado nito at maaaring maharap sa hanggang walong taong pagkakakulong.