Ikinokonsidera na rin ng Sugar Regulatory Administration o SRA na maibenta sa mga supermarket ang mga nasabat nitong smuggled na asukal.
Ayon kay SRA acting Administrator Pablo Azcona, gaya ng plano sa mga Kadiwa store at palengke ay ibebenta rin sa halagang P70 ang mga smuggled na asukal.
Paliwanag pa ni Azcona, may mga nakausap na itong supermarket chain na nauunawaan ang nananatiling problema sa mataas na bentahan ng asukal at nag-alok na tumulong para mas maging accessible pa sa publiko ang bentahan ng ‘Kadiwa Sugar’
Handa rin aniya ang malalaking supermarket chains na tumulong pagdating sa logistics at pati na sa repacking ng mga nasabat na asukal.
Sa ngayon ay wala pang pinal na petsa kung kailan magiging available sa Kadiwa Stores, mga palengke at supermarket ang murang asukal.