Cauayan City, Isabela- Nilinaw ni City Mayor Bernard Dy na mabibigyan pa rin ng isang sakong 25 kilos ng bigas ang mga nangungupahan basta residente sa Lungsod ng Cauayan.
Subalit kung yung mga boarders, studyante, workers na mula sa ibang bayan na naabutan ng lockdown ay makakatanggap lamang aniya ng relief goods mula sa barangay.
Humihingi naman ng pasensya ang alkalde sa mga naging problema sa mga nakaraang distribusyon.
Hiniling din nito ang pang-unawa ng mga hindi pa nabigyan ng bigas dahil maaari aniya na hindi pa naiturn-over ng LGU ang mga bigas sa barangay o di kaya’y kasalukuyan pa ang distribusyon na naantala noong Semana Santa.
Nakikiusap rin ang alkalde na iwasang ikumpara ang mga natatanggap na tulong sa ibang barangay dahil magkakaiba aniya ang laki at dami ng kanilang nasasakupan.
Huwag rin sana aniyang isumpa ang mga opisyal ng barangay dahil hindi makakatulong ang galit bagkus ay magkaisa at makipagtulungan sa mga brgy officials lalo na sa mga ganitong krisis.