Inilahad ng isang testigo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang nangyari sa Jolo Shooting incident noong June 29 na ikinamatay ng apat na sundalo.
Kwento ng testigo, bumaba ang mga pulis at nilapitan ang SUV kung saan nakasakay ang mga apat na sundalo.
Itinutok ng mga pulis ang mga baril nito sa sasakyan ng mga sundalo saka pinaputukan.
Dagdag pa ng testigo, ang sundalong gustong sumuko sa pulisya ay hindi armado at nakataas na ang kamay pero pinaputukan ng mga pulis.
Ayon kay NBI Regional Director for Western Mindanao Regional Office Moises Tamayo, tiwala sila na totoo ang sinumpaang salaysay ng saksi.
Sinabi naman ni NBI Deputy Director for Regional Operation Services Atty. Antonio Pagatpat, inirekomenda nila na ilagay sa witness protection program ang ilang testigo.
Kaugnay nito, sinampahan na ng kasong kriminal ng NBI ang mga ilang miyembro ng Jolo Police.
Mahaharap sa four counts ng murder at planting of evidence sina:
– Police Senior Master Sergeant Abdelzhimar Padjiri
– Police Master Sergeant Hanie Baddiri
– Police Staff Sergeant Iskandar Susulan
– Police Staff Sergeant Ernisar Sappal
– Police Staff Sergeant Almudzrin Hadjaruddin
– Patrolman Mohammad Nur Pasani
– Patrolman Alkajal Mandangan
– Patrolman Rajiv Putalan
Inirekomenda rin ng NBI na sampahan ng reklamong neglect of duty sina Sulu Provincial Police Chief Police Colonel Michael Bawayan, Jolo Police Chief Police Major Walter Annayo, at Sulu Provincial Drugs Enforcement Unit Chief Police Captain Ariel Corcino.
Lumabas sa imbestigasyon ng NBI Legal Division na hindi nabigyan ng pagkakataon ang mga sundalo na depensahan ang kanilang sarili.
Bagama’t may ilang pulis sa insidente ang hindi nagpaputok ng kanilang issued firearms, malinaw sa CCTV footages at pahayag ng mga testigo na nagbigay sila ng moral assistance sa mga kasamahan nitong nagpaputok ng baril sa mga biktima.
Si Major Marvin Indamog, isa sa mga sundalo ay walang bitbit na armas nang bumaba siya sa kanilang sasakyan, patunay na ang narekober na rifle sa tabi nito ay itinanim lamang.
Ang tatlong Jolo at Sulu police officials ay bigong abisuhan ang mga tauhan nito hinggil sa operasyon ng mga sundalo na maikokonsiderang kapabayaan sa ilalim ng doctrine of command responsibility sa ilalim ng Executive Order 226.