Mga nanloob, ninakaw ang singsing na planong iwan ng babaeng may cancer sa kanyang 2 anak

BRAMHALL, United Kingdom – Labis na kalungkutan ang nararamdaman ng isang 39-anyos na nanay matapos manloob ang mga kawatan sa kanilang bahay noong Disyembre 27.

Nasa bakasyon noon sa Mexico si Alejandra Solis Leal kasama ang kanyang pamilya para ipagdiwang ang Pasko nang bigla umanong tumawag ang kanyang biyenan at ibinalita ang nangyari.

Sa salaysay ni Alejandra, sinira ng mga magnanakaw ang mga pintuan nila sa likod, gate at mga bintana saka unti-unting kinuha ang mga mahahalagang bagay sa loob ng kanilang bahay.


Ubos daw ang laman maging ng kanilang ref at freezer.

Kasama ring nakuha ang singsing ng kanyang ina gayundin ang pinaka-iingatan niyang wedding ring na plano niya umanong iwan sa dalawang anak.

“I have already written my will and left those things to my kids but all that is gone and I can’t replace it,” saad niya.

Ibibigay raw sana niya ang kanyang engagement ring sa anak na babae na si Lydia at balang-araw ay ibibigay niya ito sa kanyang magiging nobyo.

Sa kabilang banda, ang kanya namang eternity wedding band ay ihahandog naman niya sa anak na lalaki na si Oscar para ibigay sa mapapangasawa nito pagdating ng panahon.

Nasuring mayroong breast cancer si Alejandra noong taong 2018 at sumasailalim siya sa ilang serye ng chemotherapy sa kabila ng sinabi ng doktor na mayroon na lamang siyang 10 taon para mabuhay.

Sa ngayon ay walang ibang hiling ang nanay kundi ang mahanap ang mga kawatan at maibalik ang kanyang mga singsing.

Facebook Comments