Duda si dating Health Secretary at Iloilo Rep. Janette Garin na posibleng mga “anti-vaxxers” sa vaccination program ng pamahalaan ang nasa likod ng draft ng Administrative Order ng Department of Health (DOH) na unang nagbabawal sa ilang mga kompanya na nagmamanufacture ng sin products na makabili ng sariling COVID-19 vaccines para sa mga empleyado.
Kahapon ay agad ding nilinaw mismo ng Palasyo ng Malakanyang na lahat ng pribadong kompanya ay pinapayagan at maaaring bumili ng COVID-19 vaccines.
Sa tingin ng kongresista, mga “anti-vaxxers” na nagtatago bilang “anti” sa mga sigarilyo at alak ang nasa likod ng pagbabawal sa ilang private firms na makabili ng sariling COVID-19 vaccines.
Nais malaman ngayon ng mambabatas kung sino ang utak ng lumutang na AO o kaya’y posibleng nagmamanipula sa DOH at kay Secretary Francisco Duque III.
Dagdag pa ni Garin, maituturing na “mortal sin” ang makadagdag pa sa hirap na nararanasan ng bansa, lalo’t tumataas ng husto ang mga kaso ng COVID-19.