Umaabot sa 15 reklamong kriminal laban sa 69 na indibidwal at korporasyon ang isinampa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ) dahil sa mga sinasabing pekeng transaksyon ng mga ito.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui, ang naturang mga inireklamo ay ang mga parokyano at mga pasimuno ng ghost receipts.
Dagdag pa ni Lumagui, aabot sa 1.8 billion pesos ang tax liability ng mga nasabing respondents.
Paliwanag ni Lumagui, ang pagbebenta at paggamit ng ghost receipts ay isang uri ng tax evasion at nakahanda aniya ang BIR para sampahan ang mga korporasyon, accountant at kahit sinong sangkot sa nasabing pandaraya ng reklamo at kaso.
Dagdag pa ni Lumagui na malinaw na sa dami ng mga industriyang sangkot sa pagbebenta at paggamit ng ghost receipts ay malawak ang galamay ng mga sindikatong nasa likod nito.
Matatandaan na hindi ito ang unang pagkakataon na nag sampa ng reklamo ang BIR laban sa mga nasa likod ng ghost receipts.