Umaasa si House Appropriations Committee Chairman at Ako Bicol Rep. Zaldy Co na masasampahan ng kasong economic sabotage ang private individuals at mga kasabwat nilang government officials na mapapatunayang nasa likod ng malawakang smuggling at pananamantala sa taumbayan.
Sinabi ito ni Co makaraang ipag-utos ni Pangulong Bongbong Marcos ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon laban sa agricultural smugglers, hoarders at price fixers.
Para kay Co, nagpapakita ito na seryoso si PBBM na paimbestigahan sa Department of Justice at National Bureau of Investigation ang criminal syndicates na bumibiktima sa milyun-milyong Pilipino.
Ikinatuwa din ni Co na ang ang utos ng pangulo ay isang pagkilala sa naunang imbestigasyon ng Kamara sa pangunguna ni House Speaker Martin Romualdez, Congressman Mark Enverga at Congresswoman Stella Quimbo, ukol sa hoarding, smuggling, at price fixing ng mga agricultural products.
Kaugnay nito ay sinabi ni Co na dapat i-liberalize o buksan ang importation lalo na sa panahong kulang ang mga agri products ngunit dapat itong limitahan sa panahon ng anihan upang hindi naman malugi ang mga magsasakang Pilipino.