Mga nasa likod ng smuggling ng produktomg agrikultura, dapat na masampolan

 

Naniniwala si Agap partylist Rep. Nick Briones na walang magiging saysay ang utos ng Pangulong Bongbong Marcos Jr., na habulin at panagutin ang mga sangkot sa smuggling ng mga agricultural products sa bansa.

Ito’y kung walang nasasampolan na mga nahuhuling smuggler, hoarder, profiteer at cartel.

Ayon kay Briones, magpapatuloy pa rin ang mga iligal na gawain dahil may mga sangkot o nagtatanggol sa mga ito na opisyal at nakaupo sa gobyerno.


Giit ng mambabatas, walang nangyari sa naipasang Anti-agricultural Smuggling Act dahil may mga probisyon ito na pabor sa mga smuggler, hoarder, profiteer at cartel kung saan ang Bureau of Customs (BOC) ang nangunguna sa nasabing batas.

Dahil dito, nahihirapan ng lubos ang mga magsasaka gayundin ang mga consumer kaya gumawa sila ng panibagong batas na tatanggalin ang BOC bilang miyembro ng national council at enforcement group.

Sinabi pa ni Briones, hindi na makakasama ang BOC sa mga magsasagawa ng imbestigasyon, manghuhuli at magsasapa ng kaso sa mga smugglers dahil lumalabas na ang ilan sa mga ito ay kasabwat.

Kaugnay nito, umaasa siya na sa pamamagitan ng bagong batas ay mareresolba na ang isyu ng smuggling, profiteering, hoarding at cartel upang mapababa na ang presyo ng ilang mga bilihin.

Facebook Comments