Kasabay nang inaasahang mass testing bukas, muling nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi lahat isasalang sa COVID-19 test.
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nananatiling prayoridad ang mga nasa ospital, nakatatanda, mga buntis, may mga karamdaman at mga medical front liners na mayroong sintomas.
Kanina, sa virtual presscon ni Inter-agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) at Cabinet secretary Karlo Alexei Nograles, iniulat nitong nasa 15 na ang testing centers sa buong bansa kung saan posible pa itong madagdagan dahil mayruon pang 28 laboratoryo ang pinoproseso ang kanilang akreditasyon habang 37 pa ang naghayag ng interes na makasama bilang testing centers.
Sa ngayon, ayon kay Nograles ay nakakapagsuri tayo ng hanggang 3,000 pasyente kada araw.
At sa oras na umabot, aniya, sa 8,000 ang kapasidad ng testing kada araw dito na maaaring sumalang sa COVID-19 test ang iba pang indibidwal na pinaghihinalaang nagtataglay ng virus pero wala o hindi nakakaranas ng sintomas.