Update- Ibinalik na sa kalakhang Maynila ang mga nasabat na frozen foods kahapon ng PNP at Taskforce ng City of Ilagan mula sa mga pampasaherong bus na ibebenta sana sa Tuguegarao City.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Moises Alamo, City Agriculture Officer ng City of Ilagan, ang mga nasabat na mahigit kumulang 80 boxes ng pork products na isinakay lamang sa mga bus ay ibinalik na kahapon sa pinanggalingan nito.
Alinsunod na rin aniya ito sa mahigpit na pagbabawal ng pamahalaang Panlungsod ng Ilagan o total ban sa anumang papasok na alagang baboy o anumang produkto nito.
Una rito, kanyang ibinahagi na nagsimula ang pagkakasabat ng mga pork products matapos na ma-checkpoint ng taskforce ang isang pampasaherong bus bandang 2:30 ng madaling araw kahapon na may mga kargang frozen products.
Dito na umano nagtaka at kinutuban ang mga otoridad na maaaring mayroon pang ibang kasama ang mga nakumpiskang produkto na maaaring isinakay sa iba pang sasakyan.
Sa kanilang mahigpit na monitoring ay nagresulta ito sa pagkakasabat ng ilan pang mga frozen foods sa dalawa pang pampasaherong bus.
Kanya namang nilinaw na may permit ang mga nakumpiskang produkto subalit wala namang kaukulang dokumento ang pinagsakyang bus na dapat ay sa freezer van aniya ito isinakay.
Nagpaalala naman si Ginoong Alamo na mahigpit nilang ipinagbabawal ang anumang pork products o alagang hayop sa kanilang nasasakupan at tanging mula lamang sa kanilang Lungsod ang pinapayagang ibenta sa kalungsuran.
Kaugnay nito, tatlo na ang inilatag na checkpoint sa Lungsod ng Ilagan upang matiyak na walang makakapasok na anumang alagang hayop o pork products mula sa ibang lugar o mga karatig bayan.