Naging instant disinfecting solution ang kahon-kahong alak na nasabat ng lokal na pamahalaan ng Itogot, Benguet noong Sabado, Hunyo 13.
Ayon kay Mayor Victorio Palangdan, minabuti nila itong gawin para magkaroon ng silbi at hindi masayang ang nasa 90 bote ng gin.
Paglilinaw niya, patuloy na umiiral sa bayan ang liquor ban kahit nasa ilalim na sila ng general community quarantine.
Kita sa mga litratong ipinost ng alkalde na ginamit niya itong panlinis sa paligid ng munispyo.
Pero wala pang lumalabas na pag-aaral kung totoong epektibo ang mga alak bilang disinfecting solution.
Umabot naman sa 5,800 likes at 7,200 shares sa Facebook ang naturang post ng alkalde.
Samantala, umakyat na sa 29 ang bilang ng mga tinamaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa probinsiya ng Benguet, batay sa huling datos ng provincial health office.