Cauayan City- Masayang namahagi ng relief goods si Senator Grace Poe sa mga nasalanta ng bagyong Ompong sa Lalawigan ng Cagayan at Isabela sa kanyang naging pagdalaw kamakaylan.
Sa naging pagtutok ng RMN Cauayan sa pamamahagi ng relief goods sa Cauayan City, Isabela ay kitang kita ang bakas ng kaligayahan sa mga mukha ng residenteng nakatanggap ng tulong.
Tinataya namang nasa Limang daang relief packs ang ipinamahagi sa lungsod ng Cauayan kung saan ay anim na mga apektadong barangay ang nabigyan habang may limang daang relief packs naman umano ang dinala sa Ilagan City at nasa isang libo at siyam na raan naman ang ibinigay sa Cagayan.
Sa naging pahayag ni Sen. Poe ay sinabi nito na kung anuman umano ang maaring itulong sa mga nasalanta ay kaylangang itinutulong lalo na aniya sa pananalanta ng bagyo dito sa Cagayan Valley.
Dagdagpa nito, dito umano sa Cagayan Valley ang isa sa may malaking produksyon na pinagkukunan ng mais, palay at ng mga gulay at kung magkakaroon aniya ng ganitong trahedya o problema ay apektado ang buong Pilipinas kaya’t napakahalaga para sa kanya ang makabangong muli ang mga mamamayang nasalanta ng bagyo.
Samantala, masaya ding ibinalita ng senador na naipasa na umano at napirmahan na ng Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang panukalang batas kaugnay sa libreng pananghalian sa mga public school para sa mga malnourished na bata habang umaasa pa ito na susunod namang maipapasa ang panukalang batas kaugnay sa First 1,000 Days na para naman sa kapakanan ng mga nagbubuntis at kanilang mga anak hanggang dalawang taon.