Mga Nasamsam na Pampasabog ng NPA, Iprinisenta ng 5th ID!

Cauayan City, Isabela- Umaabot sa 32 na ibat-ibang uri ng pampasabog at kagamitan mula sa New Peoples Army (NPA) ang nasamsam ng kasundaluhan na iprinisenta kahapon sa kampo ng 5th Infantry Division sa Upi, Gamu, Isabela.

Iprinisenta ni MGen Pablo Lorenzo, Commanding General ng 5ID, PA sa mga mamamahayag ang mga nasamsam na improvised explosive devices o pampasabog na gawa ng mga rebeldeng grupo.

Nasamsam ang mga pampasabog sa ibat-ibang operasyon ng militar sa lalawigan ng Isabela, Quirino, Cagayan at ilang bahagi ng Cordillera Administrative Region (CAR).


Kaugnay nito ay pinasabog din ang ilan sa mga narekober na bomba bilang simbolo at pagpapakita na malaki ang epekto at perwisyo nito sa buhay ng isang tao.

Bilang bahagi ng aktibidad, emosyonal na nanawagan ang isa sa mga sumukong NPA na si alyas Ka Ronie sa kanyang mga naiwang kasamahan na sumuko na sa gobyerno upang makamtan ang kapayapaan kasama ang pamilya.

Si Ka Ronie ay isa umano sa kanilang grupo na eksperto sa paggawa ng mga bomba na ibinibigay sa mga kasamahan sa Lalawigan ng Isabela.

Facebook Comments