Mga nasimulang hakbang ng gobyerno para sa kapayapaan, mawawalan ng saysay kapag inalisan ng pondo ang NTF -ELCAC

Mababalewala ang lahat ng sinimulan ng gobyerno para sa inaasam na pangmatagalang kapayapaan kapag inalisan ng pondo ang National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ito ang sinabi ni Task Force Balik-Loob Chairman Undersecretary Reynaldo Mapagu sa harap ng banta ng ilang mga senador na tanggalan ng budget ang NTF-ELCAC.

Ayon kay Mapagu, lubhang maapektuhan ng nasabing plano ay ang mga lokal na komunidad na umaasa sa Barangay Development Program at mga nagbalik-loob na benepisyaryo ng local integration program.


Sinabi pa ni Mapagu, ang pondo ng NTF-ELCAC para sa Barangay Development Program ay direktang napupunta sa mga provincial governments para sa mga proyekto sa mga barangay na nakalaya na sa presensya at impluwensya ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).

Kung mahihinto aniya ang programa ay para na rin aniyang totoo ang sinabi ng CPP-NPA na pinabayaan ng pamahalaan ang mga komunidad na ito.

Matatandaang nagbanta ang mga senador na tanggalan ng pondo ang NTF-ELCAC, matapos ang mga pahayag si NTF-ELCAC Spokesperson Lieutenant General Antonio Parlade na hindi nila nagustuhan.

Facebook Comments