Mga nasirang power lines dahil kay Bagyong Ambo, halos balik-normal na ayon sa NEA

Halos balik-normal na ang suplay ng kuryente sa mga probinsyang hinagupit ng Bagyong Ambo, maliban na lamang sa ilang lugar sa Sorsogon, Eastern at Northern Samar.

Base sa report ng National Electrification Administration-Disaster Risk Reduction and Management Department (NEA-DRRMD), balik na sa normal ang power distribution services sa Quezon, Marinduque, Camarines Sur, Masbate at Western Samar.

Nasa 98.68% na ang power restoration sa mga lugar na sineserbisyuhan ng Sorsogon I Electric Cooperative, Inc.


Labinlimang munisipalidad naman na nasa ilalim ng Eastern Samar Electric Cooperative, Inc. ang naibalik na ang power supply.

Nagpapatuloy din ang power restoration sa mga munisipalidad ng Can-Avid, Dolores, Oras, San Policarpio, Taft, Maslog, Arteche at Jipapad.

Dalawang munisipalidad pa ang kinakailangang maibalik ang suplay ng kuryente sa ilalim ng Northern Samar Electric Cooperative, Inc. matapos namang kumpletong naibalik ang power supply sa labintatlong munisipalidad doon.

Doble-kayod naman ang Power Restoration Rapid Deployment (PRRD) Task Force upang maibalik ang kuryente sa Eastern at Northern Samar.

Umabot na sa ₱189-million ang halaga ng pinsalang iniwan ng bagyo sa mga pasilidad ng mga electric cooperatives.

Facebook Comments