Hinikayat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang lahat ng lider at miyembro ng Communist Terrorist Group na sumuko na.
Ito ay kasunod ng pagkakapatay ng tropa ng 4th Infantry Division ng Philippine Army kay
Jorge Madlos.
Si Madlos ay mas kilala sa tawag na “Ka Oris’”, siya ay commander at spokesperson ng New People’s Army o NPA’s National Operations Command at spokesperson ng National Democratic Front (NDF) sa Mindanao.
Ayon kay AFP Spokesperson Col Ramon Zagala, hindi titigil ang militar sa mga combat operation kaya mas maiging sumuko na lamang.
Si Ka Oris ay may patong-patong na kasong kriminal.
Siya ay responsable sa pagkamatay ng mga sundalo at sibilyan sa ilang dekada nang karahasan na ginagawa ng Communist terrorist group sa bansa.
Sinabi pa ni Zagala na ang pagkamatay ni Ka Oris ay magpapahina sa NPA para makapagsagawa ng kanilang mga aktibidad at plano.
Isa aniyang dagok ang pagkamatay ni Ka Oris sa Communist terrorist group sa Mindanao na magiging daan para makamit ang matagal nang inaasam na pangmatagalang kapayapaan.