Nanawagan si Deputy Speaker Rufus Rodriguez sa Department of Health (DOH) at sa Inter-Agency Task Force (IATF) na agad ipaalam sa mga indibidwal na naghihintay ng 2nd dose ng Sputnik V kung ano ang susunod nilang dapat gawin.
Ito’y sa gitna pa rin ng kakulangan sa suplay ng Russian made vaccine.
Ayon kay Rodriguez, aabot sa 300,000 na mga Pilipino ang nakatanggap ng first dose ng Sputnik V.
Nangangamba aniya ang mga ito kung mawawalan na ng bisa ang bakunang natanggap dahil hindi pa rin natuturukan ng 2nd dose.
Paalala pa ng kongresista, mismong ang pamahalaan ang nagsabi sa publiko na huwag maging mapili sa bakuna kaya’t nang dumating ang Sputnik ay agad nagpabakuna ang mga ito.
Dagdag pa ng kongresista, dapat nang magdesisyon ang mga eksperto kung maaaring ibang bakuna na lamang ang gamitin para sa kanilang 2nd dose kung wala talagang suplay ng Sputnik V na darating sa bansa.