Lumilitaw sa report ng Philippine National Police (PNP) ay umaabot na ngayon sa 34 ang mga sabungero na nawawala.
Inihayag ito ni Senator Ronald Bato dela Rosa sa pagpapatuloy ngayon ng pagdinig ng pinamumunuan niyang Committee on Public Order and Dangerous Drugs ukol sa pagkawala ng mga inbidwal na konektado umano sa E-sabong.
Sa nagdaang pagdinig, nasa 31 lang ang naitalang nawawala pero ayon kay Dela Rosa nadagdagan pa pala ito.
Samantala, present sa pagdinig ngayon ang negosyanteng si Atong Ang, na nagmamay-ari ng Lucky 8 Star Quest.
Ang kanyang kompanya ang operator ng sabungan sa Laguna, Batangas at Maynila kung saan nagtungo ang halos lahat ng mga nawawalang sabungero.
Si Ang ay nag-request ng executive session na ayon kay Dela Rosa ay posible na kanilang pagbigyan.
Pero tiniyak ni Dela Rosa na bagama’t hindi magiging bukas sa publiko ang ihahayag ni Ang sa pagdinig ay asahan na mananaig ang kanilang layunin na makatulong sa pagresolba ng krimen.