Magbibigay ng tax amnesty o palugit sa pagbabayad ng buwis ang lungsod ng Marikina sa mga negosyanteng labis na naapektuhan ng pandemya.
Sa ilalim ng naturang ordinansa, bibigyan ng palugit hanggang sa katapusan ng taon, Disyembre 31, 2022, ang mga business owner na hindi pa nakakapagbayad ng utang at business tax, nang walang multa o interes.
Sa eksklusibong panayam ng RMN Manila kay Marikina Mayor Marcelino Teodoro, ito ay bilang pagsuporta ng local government unit sa mga mamumuhunan at negosyante sa Marikina.
Bagama’t nais aniyang mag-comply ng mga negosyante sa pagbabayad ng buwis ay nakikita kasi ng Marikina LGU na bumabangon pa lang ang mga ito mula sa pandemya.
Dagdag pa ni Teodoro, nais din ng LGU na manatiling bukas ang mga negosyo sa lungsod upang mapanatili rin ang trabaho sa lungsod.