Pinayagan na ng Department of Trade and Industry (DTI) na mag-operate hanggang alas-10:00 ng gabi ang mga negosyong pinapayagang magbukas sa mga lugar na nasa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Ayon kay Trade Usec. Ruth Castelo, alinsunod ito sa binagong curfew policy na magsisimula sa Sabado, May 1 sa ganap na alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw.
Aniya, malaking tulong ito para sa mga negosyong na madagdagan ang kanilang kita.
Gayunman, nilinaw ni Castelo na nasa Local Government Units (LGUs) pa rin ang pagpapasya kung hanggang anong oras nila papayagang bukas ang mga establisyemento sa kanilang nasasakupan.
“Papayagan na kasi LGUs rin naman ang nagsi-set ng curfew in their own localities. So kung iakyat nila ng 10 P.M., malamang pati malls natin 10 P.M. rin. Pero siyempre depende rin iyon sa lugar kasi mayroong mga local government units rin that can control or that can impose stricter measures hindi ba kung nakikita nila na may violations ang mga tao or nagkukumpul-kumpol doon sa mall, they can of course set a stricter regulation on this,” ani Castelo.
Pinaalala naman ni Castelo na ang LGU ang nagsi-set ng liquor ban sa isang lugar at hindi ang Inter-Agency Task Force (IATF).