Mga negosyong naapektuhan ng pandemya, 5% na lang ang nananatiling sarado

Inihayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na 5% na lang sa mga negosyong naapektuhan ng pandemya ang nananatiling sarado at pawang mga maliliit na negosyo.

Pero ayon kay Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara, ang 95% na mga negosyong nakapagbukas na ay hindi pa nakakabalik sa full operations bilang pag-iingat sa COVID-19.

Bukod dito ay hindi pa rin bumabalik ang kumpyansa ng publiko o mga consumers sa mga negosyo sa retail, transportasyon at turismo.


Sa pagtalakay ng Senado sa mahigit 22-billion pesos na proposed 2021 budget ng DTI ay lumitaw na nasa 1.42 milyon rehistradong negosyo sa buong bansa at 99.6% nito ay Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs).

Tinulungan naman ng DTI ang maliliit na negosyo sa pamamagitan ng pagpapautang ng Small Business Corporation na isang Government Owned and Controlled Corporations (GOCC) sa ilalim ng DTI.

Ayon sa DTI, umabot na sa 8-bilyong piso ang nailabas ng Department of Budget and Management (DBM) para sa pagpapautang sa MSMEs.

Facebook Comments