Nilinaw ng Department of Labor and Employment (DOLE) na maaaring mag-apply para sa exemption sa wage hike ang mga negosyo na nahihirapan at mga nalugi dahil sa COVID-19 pandemic.
Ito ay matapos aprubahan ng wage board ang P33 dagdag sa minimum na sahod sa National Capital Region at P55 sa Western Visayas.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, maaaring magsumite ng aplikasyon sa mga regional office ng wage board ang mga negosyong hindi lalagpas sa 10 ang empleyado at mga negosyong tinamaan ng natural o man-made calamity, tulad ng pandemya.
Aniya, nauunawaan naman ng gobyerno ang dagok ng pandemya sa mga negosyo.
Nauna na ring inihayag ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) na bukas sila sa pag-apply sa exemption mula sa minimum wage increase.