Hinimok ni Senator Francis Tolentino ang mga opisyal sa mga academe na paigtingin ang monitoring sa aktibidad ng mga “non-recognized” organizations na nasa loob ng kanilang mga kolehiyo at unibersidad.
Kasunod na rin ito ng ginawang imbestigasyon ng Senado sa pagkamatay dahil sa hazing ng Adamson University student na si John Matthew Salilig.
Nauna kasing inamin ng pamunuan ng unibersidad na batid nila ang presensya ng Tau Gamma Phi fraternity sa kanilang campus pero hindi ito nare-regulate o namo-monitor dahil hindi kinikilalang lehitimong organisasyon sa paaralan ang fraternities at sororities.
Giit ni Tolentino, tungkulin ng mga unibersidad na bantayan ang aktibidad ng mga “non-recognized organizations” lalo’t makikita palagi ang mga miyembro nito na kumpul-kumpol palagi sa kanilang mga pwesto.
Kahit pa aniya nilinaw ng Adamson University na ang mga organisasyon tulad ng Tau Gamma Phi fraternity ay banned sa campus, patuloy naman ang underground chapter nito sa pagsasagawa ng mga aktibidad sa loob mismo ng eskwelahan.
Dahil dito, nais paamyendahan ni Tolentino ang ilan sa mga probisyon ng Anti-Hazing Act kung saan isasama na rito ang command responsibilities ng mga educational institution nang sa gayon ay magkaroon ng ngipin ang mga paaralan sa mga lalabag sa batas sa hinaharap.