Cauayan City, Isabela- Sasampahan ng patong-patong na kaso ang mga rebelde na nakasagupa ng mga kasapi ng Gattaran Police Station noong araw ng Sabado, Agosto 15, 2020 sa barangay Mabuno ng naturang bayan sa Lalawigan ng Cagayan.
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, RA 9516 o Illegal Possession of Explosives at attempted murder.
Magugunita na magsisilbi sana ng warrant of arrest ang mga alagad ng batas laban sa isang Agta na itinuturing na Top Most Wanted Person sa lalawigan ng Cagayan nang makita nila ang mga armadong grupo kaya pinaputukan agad ang mga ito na humantong sa engkwentro na tumagal ng halos tatlumpong minuto.
Wala namang nasugatan o namatay sa hanay ng pulisya habang posible umanong may naitalang casualty sa panig ng mga NPA dahil sa mga nakitang bakas ng dugo na nagkalat sa lugar na pinangyarihan ng engkwentro.
Nakuha ng tropa ng pamahalaan sa lugar ang isang (1) unit ng Intratec submachine gun na may isang bala at iba’t-ibang uri ng bala.
Patuloy pa rin ang manhunt operation ng mga otoridad laban sa Agta na wanted sa kasong pagpatay.