Sasampahan ng kasong kriminal ng Philippine National Police (PNP) ang New People’s Army (NPA) members na nasa likod ng dalawang pag-atake sa mga tauhan ng gobyerno at sibilyan na tumutulong sa mga biktima ng Bagyong Odette.
Siniguro ito ni PNP Chief Gen. Dionardo Carlos matapos ang pananambang ng NPA sa mga sundalo na nagsasagawa ng pre-emptive evacuation sa Barangay Cancavan, Carmen, Surigao del Sur nitong Miyerkules.
Sinundan ito ng pangalawang pag-atake sa mga pulis na nagpe-preposition ng relief supplies sa Barangay del Rosario, Matuguinao, Samar noong kaparehong araw.
Dalawang sibilyan ang sugatan sa unang insidente habang dalawang Special Action Force Troopers at isang sibilyan sa pangalawang pag-atake.
Naniniwala si Gen. Carlos na ang dalawang pag-atake ay coordinated at ipinag-utos ng liderato ng CPP-NPA.
Sa kasalukuyan aniya ay natukoy na ng PNP-Caraga ang nanguna sa pag-atake sa Surigao del Sur na isang “Ka Megan”, na umano’y lider ng Guerilla Front 30 sa nasabing rehiyon.