Idineklarang persona non-grata ng Brgy. Benguet at San Miguel ng Echague, Isabela ang lahat ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) kung saan mahigpit na silang pinagbabawalan ng mga lokal na opisyal at mamamayan sa mga nasabing lugar.
Ito’y matapos na mapirmahan ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan ang resolusyon nitong ika-30 at 31 ng Hulyo sa taong kasalukuyan upang mapigilan ang patuloy na pananakot at panlilinlang ng mga makakaliwang grupo sa mga residente.
Matatandaan na nagbaba ng kautusan ang gobyerno sa pamamagitan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF – ELCAC) na kung saan lahat ng mamamayan katuwang ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno na magtulungan upang tapusin na ang problema sa insurhensiya sa bansa.
Nagpapakita naman ang nasabing resolusyon ng pagsuporta sa adhikain ng Pangulong Rodrigo Duterte na tapusin ang problema sa insurhensiya sa lalong madaling panahon.
Samantala, inihayag ni LTC Remigio Dulatre, Commanding Officer ng 86th Infantry Battalion, Philippine Army na ang pagkakaisa ng mamamayan sa paglaban sa mga teroristang NPA ay nagpapakita lamang na sawa na ang mga ito sa mga panloloko at pagpapahirap sa mga tao.