Marami ang apektadong Overseas Filipino Workers hinggil sa umiiral na temporary deployment ban ng pamahalaan sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA).
Sa Lagi Handa public press briefing sinabi ni Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Administrator Bernard Olalia na traditional market na kasi ng bansa ang Saudi o isa ito sa mga bansa sa mundo na puntahan ng mga Filipino upang magtrabaho.
Nag- ugat ang temporary deployment ban makaraang malabag ang umiiral na verification rules sa KSA.
May ilang domestic workers kasi na nailipat sa employer na kabilang sa blacklisted dahilan para repasuhin muna ng pamahalaan ang verification rules o guidelines bago muling mag-deploy ng mga OFWs sa Saudi.
Lantad kasi aniya sa pang -aabuso ang mga Filipino kapag nalalabag ang verification of deployment contract.
Sa ngayon, sakop ng kautusan ang mga newly hired na mga domestic workers.
Nangako naman ang POEA na babalangkas agad ng bagong panuntunan upang agad na makapagpadala ang bansa ng mga manggagawa sa KSA.