
Maaari nang mag-avail ng socialized housing units ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling, bilang pagkilala sa sakripisyo at ambag sa ekonomiya ng mga itinuturing na makabagong bayani, isinama sila sa mga maaaring maging benepisyaryo ng Expanded 4PH, magkano man ang kanilang buwanang kita.
Gayunpaman, kinakailangan pa rin nilang matugunan ang ilang requirements gaya ng pagiging aktibong miyembro ng Pag-IBIG Fund, pagiging first-time homeowner, hindi lalampas sa 65 taong gulang ang edad sa petsa ng aplikasyon, at insurable hanggang 70 taong gulang sa pagtatapos ng loan term.
Noong taong 2023 ay umabot sa 2.16 milyon ang OFWs sa buong mundo.
Para naman sa non-OFWs, tanging mga kabilang sa income deciles 7 pababa o ang mga may buwanang kita na hindi hihigit sa P47,000 sa Metro Manila at P34,684 sa labas ng Metro Manila ang kwalipikado sa socialized housing units sa ilalim ng programa.
Ayon sa DHSUD, kabilang sa benepisyo ng bagong guidelines ay ang mas mababang interest rate na 3% lamang para sa socialized vertical at horizontal housing units sa ilalim ng Expanded 4PH.
Ang interest rate na ito ay maaaring ipataw hanggang 10 taon, at higit na mababa kumpara sa kasalukuyang 6.25% per annum.
Dahil dito, ang isang benepisyaryo ng Expanded 4PH na kukuha ng horizontal housing na nagkakahalaga ng P850,000 ay magbabayad lamang ng buwanang hulog na nasa P3,583, mula sa dating P5,233.








