
Tiniyak ng Department of Energy o DOE na kanilang aaksiyunan kung may nangyayari mang hoarding o pang-iipit ng suplay ng petrolyo kasabay ng ipatutupad na malakihang oil price hike ngayong araw.
Kasunod na rin ito ng mga agam-agam na may nang-iipit ng suplay ng petrolyo dahil ang ibang gasolinahan ay out of stock na ang mga produktong petrolyo na sa tingin na iba ay hindi muna ibebenta para may suplay ngayong araw na tataas ng P17 hanggang P24 ang presyo ng petrolyo.
Sinabi ni DOE Undersecretary Felix William Fuentebella, papadalhan din nila ng show cause order ang mga gasolinahan na mapapatunayang nang-iipit ng suplay.
Dahil dito, hiniling ni Fuentebella sa publiko na i-report ang mga kompanya na sa tingin nila ang nag-ho-hoard ng suplay ng langis.
Aniya, malapit na rin nilang buksan ang e-gov portal gas station concerns para dito magsumbong ang publiko.










