Kinontak na ng Bureau of Customs (BOC) ang Department of Migrant Workers (DMW) para magawan ng solusyon ang problema ng maraming Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Middle East na nabibiktima ng mga tiwaling consolidator.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni BOC Chief Operations and Spokesperson Arnaldo dela Torre Jr., na maraming insidente na may mga balikbayan box na ipinadadala rito sa pilipinas ng mga OFW partikular mula sa Middle East ay natatagalan o natetenga lamang sa BOC yard dahil hindi napoproseso.
Ito ay dahil hindi nababayaran ang BOC ng partner consolidator dito sa bansa ng pinadalhang consolidator ng OFW sa abroad.
Kaya naman idideklara ng BOC bilang abandoned ang mga balikbayan box at hindi ito maipoproseso at hindi makukuha nang kaanak ng OFW dito sa Pilipinas.
Payo ni Dela Torre sa mga OFW maaaring humingi ng tulon sa DMW at attache agency ng bansa sa Middle East laban sa consolidator doon na pinabayaan ang tamang proseso ng balikbayan boxes dito sa Pilipinas.
Payo ng opisyal maging mapanuri at siguruhing ang consolidator na i-a-avail nila sa abroad ay may good standing o maganda ang record at hindi sangkot sa ganitong uri ng modus.
Inaasahan ng BOC na pagsapit ng holiday season ay dadami ang mga OFW na magpapadala ng balikbayan box sa kanilang mga kaanak dito sa Pilipinas.