Mga OFW na posibleng apektado ng nangyaring power outage sa NAIA, pinaaasikaso agad sa gobyerno

Umapela si Senator Risa Hontiveros sa gobyerno na tulungan ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) na posibleng naapektuhan ang trabaho dahil sa na-delay na flight matapos ang power outage kahapon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay Hontiveros, umaasa siya na hindi sana naapektuhan ang trabaho ng mga OFW na paalis sana kahapon pero nakansela ang mga flight dahil sa naging aberya.

Punto ng senadora, mayroon pa namang mga employer sa mga bansang agad nagka-cancel ng kontrata batay sa mahigpit na ‘re-entry rules’


Sakaling may mga OFW na makaranas ng ganito, kinalampag ni Hontiveros ang pamahalaan na tungkulin nitong makipagnegosasyon sa mga bansang hindi kaagad nakapunta ang mga OFWs para tiyakin na ang kanilang mga trabaho at kontrata ay protektado.

Samantala, nagpahayag ang senadora ng pagkadismaya dahil nangako aniya noon ang NAIA at mga ahensya na hindi na muling mangyayari ang mga aberya sa paliparan pero hindi naman ito natupad.

Dagdag pa ni Hontiveros, kung magpapatuloy na lamang ang kapalpakan sa NAIA ay malabong mangyari sa ngayon ang hinahangad na pagbangon ng ekonomiya ng bansa.

Facebook Comments