Awtomatikong sasailalim sa institutional quarantine sa loob ng 7 araw ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) na tutungo sa Kingdom of Saudi Arabia.
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni DFA Usec. Brigido Dulay na parte lamang ito ng protocol na ipinatutupad ng Saudi government.
Paliwanag pa nito, katumbas lamang ito ng mandatory facility quarantine sa sinumang dayuhang papasok ng Pilipinas.
Sinabi pa ni Dulay na ang mga recruitment agency ang siyang dapat mag-asikaso nito katuwang ang OFW.
Samantala, nagpapasalamat ang DFA kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil isinama na nito sa A1 priority group ng mga mababakunahan ang mga OFW lalo na yung may pending job order at kontrata maging ang OFW man ay sea-based o land-based.
Ikinatuwa rin ng ahensya ang pagpayag ng Pangulo na bakunahan ang mga OFW kasama na ang mga seafarers ng Western brand ng mga bakuna dahil may mga bansa kabilang na ang Saudi Arabia na ang tinatanggap lamang na mga manggagawa ay bakunado ng Stateside vaccines tulad ng Pfizer, Moderna, AstraZeneca at Johnson & Johnson.