Lumagda kamakailan ng Memorandum of Agreement ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa paglulunsad ng programang “OFW Rise, Reintegration and Skill Entrepreneurship”.
Katuwang dito ng TESDA ang National Reintegration Center for Overseas Filipino Worker (OFW) ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Philippine Trade Training Institute (PTTI).
Sa ilalim ng programa, ginu-grupo at sinasanay ang mga OFW sa kung anong negosyo ang nais nilang pasukin.
Bukod sa libreng training, makakakuha pa sila ng inisyal na kapital para masimulan ang kanilang negosyo.
Maraming OFW din na umuwi sa bansa ang nabigyan ng libreng training sa construction na awtomatiko nilang ipinapasok sa malalaking construction company.
Habang ang kanilang mga anak ay nabigyan din ng pagsasanay sa computer programming, computer repair at technician na in-demand ngayon dahil marami ang gumagamit ng gadget dahil sa blended learning.
Ayon pa kay TESDA Deputy Director for Partnership and Linkages Aniceto ‘John’ Bertiz III, may 71 online training programs ang libreng ibinibigay ng TESDA sa mga dating OFW.
Para sa ahensya, ‘golden opportunity’ ang pag-uwi ng maraming OFW sa bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.