Nanawagan ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) na patungong China na maturukan sila agad ng COVID-19 vaccine.
Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Overseas Workers Affairs, sinabi ng grupong Migrante na hindi bababa sa 1,000 OFWs ang humihiling na mabakunahan na upang makabalik ng China.
Ayon kay Gee Marie Binag, isang OFW, requirement ng China ang “no vaccine, no visa” o dapat nabakunahan na ang OFWs bago makapasok sa kanilang bansa.
Pakiusap nito, sana ay maisama na rin sila ng Department of Health (DOH) sa mga mababakunahan ng COVID-19 vaccine na donasyon ng Sinovac ng China.
Giit ni Binag, bukod sa “health security” ay maituturing din ang mga OFW na “unsung heroes” dahil sa malaking kontribusyon sa bansa.
Tiniyak naman ni Health Secretary Francisco Duque III na isasama niya ito sa tatalakayin kasama ng Inter-Agency Task Force (IATF) at National Immunization Technical Advisory Groups (NITAG) at makakaasa ang mga OFWs na patungong China na may sagot dito sa mga susunod na linggo.
Pero, aminado si Duque na tali ang kanyang mga kamay dahil limitado pa rin ang suplay ng bakuna ngayon.