CAUAYAN CITY – Malugod na inaanyayahan ng Department of Migrant Workers (DMW) Region 02 ang mga Overseas Filipino Workers na mayroong lisensya sa pagiging guro na umuwi sa Pilipinas upang maging isang ganap na public school teacher.
Sinabi ni Secretary Hans Cacdac ng DMW R02, na sa ngayon ay halos isang libong OFW kada taon ang umuuwi sa Pilipinas upang pumasok sa programang “Sa Pinas Ikaw ang Ma’am at Sir” o SPIMS.
Ang programang SPIMS ay nagbibigay ng pagkakataon para sa mga qualified OFW na makapasok at magturo sa ilalim ng Department of Education.
Ito ay bukas sa migrant workers na bumalik sa nakalipas na 3 taon, at nagpraktis ng propesyon sa nakalipas na 5 taon. Samantala, ang mga may mas kaunti o wala pang karanasan sa pagtuturo ay kailangang kumuha ng online refresher course.
Ang SPIMS Program ay isang collaborative effort ng Department of Migrant Workers, Department of Education, Professional Regulation Commission, Philippine Normal University, at iba pang ahensya ng gobyerno.