Mga OFWs na mapapaso na ang kontrata ngayong 2021 sa South Korea, pinalawig ng isang taon

May dagdag isang taon pa para makapagtrabaho sa South Korea ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na magtatapos na ang kontrata hanggang December 31, 2021.

Ito ang inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III base sa ulat sa kanya ni Labor Attache to Korea Maya Valderrama.

Kasunod ito ng pag-amyenda ng South Korean Ministry of Employment and Labor at Ministry of Justice sa Act on Employment of Foreign Workers.


Sa nasabing kautusan, ang lahat ng dayuhang manggagawa sa Korea na matatapos ang visa mula April 13 hanggang December 31, 2021 ay binibigyan ng isang taong extension.

Ito’y dahil na rin sa nararanasang pandemya na nagiging pahirap sa pag-alis at pagpasok sa South Korea ng mga dayuhang manggagawa at kakulangan na rin ng mga trabahador sa mga small at medium sized na mga kompanya.

Sakop rin ng extension ang mga dayuhang manggagawa na nabigyan ng 50 araw na visa extension na pasok sa petsang itinatakda sa kautusan ng gobyerno ng Korea.

Nagpasalamat naman si Sec. Bello sa gobyerno ng South Korea.

Facebook Comments