OFWs, pinatitiyak na mababakunahan rin ng pamahalaan ng COVID-19 vaccine

Umaapela ang isang kongresista na tiyakin na kasama rin sa prayoridad ng gobyerno na mabakunahan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Iginiit ni Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong na tungkulin ng pamahalaan na bakunahan ang mga Pilipino, partikular na ang mga OFW ng COVID-19 vaccine at hindi ang i-trade o ipagpalit ang mga workers kapalit ng bakuna.

Aniya, kahit walang mga bakuna na magmumula sa mga foreign government, kailangang mabakunahan ang mga OFWs kahit pa ang mga ito ay hindi health worker.


Pahayag pa ni Ong, malaki ang ginagampanang papel ng mga OFWs sa ekonomiya ng bansa dahil ang remittances na ipinapadala ng mga ito sa mga kaanak sa Pilipinas ay malaki ang naiaambag na bahagi ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.

Pinuna rin ni Ong ang paghingi ni Labor Secretary Silvestre Bello III ng bakuna sa ibang bansa kapalit ng deployment ng mga nurses sabay puna na hindi dapat itinatratong commodities o pangangailangan ang mga Pinoy nurses.

Sa halip aniya na humingi ng bakuna sa ibang mga gobyerno kapalit ang mga nurses, ang dapat pa ngang gawin ay tiyakin ng Department of Labor and Employment at gobyerno sa ibang mga bansa na mabibigyan ng kinakailangang proteksyong pangkalusugan ang mga health workers na magtatrabaho sa kanila.

Facebook Comments