Mga OFWs sa Qatar, pinapakalma ni Senator Villar

Manila, Philippines – Pinayuhan Senator Cynthia Villar ang mahigit 270,000 overseas Filipino workers sa Qatar na manatiling kalmado.

Paalala pa ni Senator Villar sa nabanggit na mga OFWs, panatilihin ang pakikipag ugnayan sa Philippine Embassy sa Doha.

Ang mensahe ni Villar ay sa harap ng namumuong tensyon sa pagitan ng Qatar at iba pang bansa sa gitnang silangan.


Ito ay makaraang ianunsyo kahapon ng Saudi Arabia, Bahrain, Egypt at United Arab Emirates ang pagputol ng diplomatic ties sa Qatar dahil sa hinalang pagsuporta nito sa extremist groups.

Kasabay nito ay iginiit din ni Senator Villar sa Department of Labor and Employment at Department of Foreign Affairs na maglatag na ng contingency plan.

Ito ay para agad matugunan ang anumang magiging problema at pangangailangan ng mga OFWs na maaapektuhan ng nasabing tensyon.

Samantala, nagsasagawa naman ng pagdinig ngayon ang Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni Senator Villar.

Binubusisi ng komite ang Republic Act 10000 o ang Agri-Agra Reform Credit Act of 2009.

Sa nabanggit na batas, nakapaloob ang sistema para sa mababang pautang para sa mga magsasaka at mga mangingisda.
DZXL558

Facebook Comments