Nilinaw ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na maaari namang umuwi ng bansa ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na mula sa mga bansang may umiiral na travel ban dahil sa presensya ng Delta variant.
Ayon kay Roque, kinakailangan lamang makipag-ugnayan ang mga nais na umuwing OFWs sa ating embahada o sa kanilang manning agency nang sa ganoon ay maisali sila sa repatriation program.
Sa ganitong paraan aniya ay maiko-coordinate sa Bureau of Quarantine ang pag-uwi ng ating mga OFWs.
Nabatid na pinalawig ng pamahalaan ang travel ban para sa lahat ng inbound travelers na mula sa India, Pakistan, Sri Lanka, Bangladesh, Nepal, Oman at United Arab Emirates (UAE) hanggang June 30, 2021.
Base sa Inter-Agency Task Force (IATF) protocol, isasailalim sa 10-day facility based quarantine ang uuwing OFW, sa ikapitong araw ay isasalang ito sa RT-PCR test at kapag negatibo ang resulta, gugugulin niya ang nalalabing 4 na araw sa strict home quarantine sa Local Government Unit (LGU) na kanyang destinasyon.