Mga opisyal na gobyerno, dapat magsilbing halimbawa sa pagsunod sa minimum health standards – DILG

Nagpaalala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga opisyal ng gobyerno na maging halimbawa at manguna para matiyak na nasusunod ang minimum health standards laban sa COVID-19 sa mga event o pagdiriwang.

Ayon kay Interior Spokesperson at Undersecretary Jonathan Malaya, inaasahan ng publiko na manguna ang mga opisyal ng gobyerno na magpatupad ng health protocols ngunit kung mismong ang mga lider ang lalabag ay paano pa susunod ang tao.

Sinabi pa ni Malaya na inatasan na ni Interior Sec. Eduardo Año ang Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang mga indibidwal na umano’y lumabag sa health protocols sa mga event.


Aniya, kapag sangkot dito ang local government officials at nasa hurisdiksyon ng DILG ay gagawa sila ng rekomendasyon sa Office of the Ombudsman o sa Pangulo.

Kapag sa ibang branch naman ng gobyerno ay kanilang ifo-forward ang rekomendasyon sa partikular na head ng nasabing sangay ng gobyerno kung hindi ito sakop ng LGUs o ng ibang executive branch para masiguro na lahat ng government officials ay maging halimbawa ng pagpapatupad ng mga protocol.

Sa parusa o penalty na maaaring ipataw, mayroon namang ordinansa na ipinasa ng iba’t ibang LGUs.

Facebook Comments