Mga opisyal na nagproseso at nagpalaya sa mga bilanggo sa ilalim ng GCTA na sangkot sa karumal-dumal na krimen, posibleng maharap sa kasong kriminal at administratibo

Pinagsusumite ng House Committee on Justice ang Bureau of Corrections ng listahan ng mga pangalan ng mga opisyal na nagrekomenda at nagproseso sa pagpapalaya ng mga convicted sa karumal-dumal na krimen sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Sa iprinisintang datos ng BUCOR sa organizational meeting ng komite, aabot sa 2,160 na mga convicted of heinous crimes ang napalaya sa ilalim ng GCTA mula January 2014 hanggang August 2019.

Ayon kay PBA Partylist Rep. Jericho Nograles, sakaling mapatunayang lumabag ang mga myembro ng Management Screening and Evaluation Committee (MSEC) sa nakasaad sa Section 1 ng GCTA ay mahaharap sila sa criminal at administrative case.


Lumalabas din sa pulong ang maaga at mabilis na pag-release sa mga preso.

Mistula namang sinisisi ng mga kinatawan ng BUCOR at Department of Justice ang batas dahil sa hindi malinaw na interpretasyon dito.

Iginiit naman dito ni Justice Committee Chairman Vicente Veloso na isumite rin ang pangalan ng mga napalayang bilanggo dahil ito ay matter of public interest.

Hiniling naman ni House Committee on Justice Vice Chairman at Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin na dapat magkaroon na rin ng access ang publiko sa mga pangalan ng mga presong napalaya sa ilalim ng GCTA.

Matatandaang ikinagulat na lamang ng pamilya Chiong ang pagamin ni BUCOR Chief Nicanor Faeldon sa Senado sa pagpapalaya sa ilalim ng GCTA ng mga convicted sa 1997 rape-slay case sa magkapatid na Jacqueline at Marijoy Chiong.

Facebook Comments