Cauayan City, Isabela – Pinangunahan ni Punong Barangay Benjamin G. Dy III ang paglilinis sa mga pambansang lansangan na nasasakupan ng Brgy. Cabaruan, Cauayan City, Isabela.
Mahigit kumulang isang daan ang tumulong sa paglilinis kabilang ang mga opisyales ng naturang barangay na nagsimula pasado alas sais kaninang umaga.
Sa naging panayam ng RMN Cauayan kay Ginoong Edgar Telan, Brgy. Kagawad ng Brgy. Cabaruan dalawang araw na nilang ginagawa ang paglilinis bilang pagsasaayos sa kanilang barangay.
Aniya, bahagi ito ng isinusulong na programa ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) kaugnay sa pagsuporta sa pagpapatupad ng RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act.
Hinikayat naman ni Punong Brgy. Dy III ang mga kababayan na ipagpatuloy ang nasimulan at makipagtulungan sa anumang programang pangkalinisan at pangkalusugan.
Samantala, patuloy ang paglilinis at pagtatanim ng mga gulay ng Brgy. Marabulig I at ilang mga barangay sa lungsod ng Cauayan upang maiwasan ang mga sakit na dulot ng maruming kapaligiran at makamtan ang magandang kalusugan.