Ipinag-utos ng Makati City Council ang 90 araw na suspensyon sa 8 opisyal ng Barangay Carmona sa Makati.
Ito ay dahil sa kabiguan daw ng mga ito na magsumite at umaksyon sa barangay annual investment program at budget sa taong 2019 at 2020.
Epektibo ang naturang suspensyon sa July 4, 2021.
Batay sa report, ginamit ng nasabing barangay sa kanilang operasyon sa dalawang taon ang reenacted budget, dahilan para hindi sila makapagbigay nang maayos na serbisyo sa mga residente.
Partikular na nabigo ang barangay officials na makapagpatupad ng social programs at services dahil sa kawalan ng pondo.
Kabilang sa mga sinuspinde sina Chairman Joselito Salvador, na siya ring presiding officer ng Sangguniang Barangay, gayundin sina Kagawads Jason Layug, Andres Chua, Jeffrey Sordan, Christopher Guerra, Rosalie Garcia, Maria Andrea Paula Vicente, at Virgilio Guillermo.
Pansamantala namang magiging caretaker ng barangay sa loob ng 90 araw ang DILG-Makati City.