Cauayan City, Isabela- Pinasaringan ni Ilagan City Mayor Jay Diaz ang mga opisyal ng barangay na gumalaw at seryosohin ang pagpapatupad ng mga guidelines at health and safety protocol lalo na at dumadami ang mga naitatalang kaso ng COVID-19.
Kanyang sinabi sa mga barangay officials na huwag nang hintayin ang kanyang pagdating upang siya mismo ang mag-implimenta sa mga ibinabang kautusan.
Dapat din aniya ay kinukumusta ng mga opisyal ang sitwasyon ng kanilang nasasakupan upang matiyak na sumusunod sa mga protocols ang mga residente.
Huwag na rin aniyang hintayin na lumobo pa ang kaso ng COVID-19 bago gumalaw at ito na aniya ang tamang oras para magkaisa at gumalaw ng sama-sama upang hindi mailagay sa balag ng alangan ang syudad ng Ilagan.
Hinimok din ng alkalde ang lahat ng mga Ilagueño na makiisa at seryosohin ang pag-iingat upang maprotektahan ang sarili’t pamilya para hindi na lalong dumami ang mahahawaan ng nasabing virus.