Pumalo na sa 301 ang bilang ng mga barangay officials na sinampahan ng kasong kriminal sa Prosecutors Office ng Department of Justice (DOJ) dahil sa anomalya sa pamamahagi ng unang tranche ng cash asistance sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya, may mga susunod pang masasampahan dahil sa dumarami ang nagsusumbong.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang ginagawang case build up ng Philippine National Police (PNP) sa 76 na iba pang barangay officials.
Tiniyak pa ng DILG na hindi hihinto ang PNP sa paghabol sa mga kurakot na barangay, Local Government Units (LGU) officials, at mga tauhan nito.
Base sa ulat ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), nasa 57 Punong Barangay ang nakasuhan na, 57 Barangay Kagawad, may mga Barangay Secretary, Health Workers, Treasurers, Sangguniang Kabataan (SK) Chairman at maging mga opisyal at kawani ng LGUs .
Bukod sa kanila, may 125 pang sibilyan na tumatayong mga kasabwat ang sinampahan din ng kaso.