Cauayan City, Isabela- Pinulong kahapon ng pamunuan ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ang mga barangay officials dito sa Lungsod ng Cauayan upang ipabatid ang mga aktibong barangay para sa Search for Model Barangay sa susunod na taon.
Sa naging panayam ng RMN Cauayan kay Engineer Alejo lamsen, ang pinuno ng CENRO, sinabi nito na nakita na ang mga barangay na may ginawa sa kanilang nasasakupan matapos ang isinagawang ebalwasyon ngayong buwan ng Disyembre.
Sa 65 na barangay sa Cauayan City ay may dalawampu’t dalawang (22) barangay ang kabilang sa mga aktibo hinggil sa kalinisan at pagpapaganda at ito ay kinabibilangan ng Carabatan Grande, Carabatan Punta, Catalina, Gagabutan, Cassap Fuera, Baringin Norte, Culalabat, Riszalu, Linglingay, Dabburab, Baringin Sur, Guayabal, Gappal, San Francisco, Labinab, Faustino, Villa Conception, Sta. Luciana, Turayong, Cabaruan, Nagrumbuan at San Fermin.
Ayon pa kay Engineer Lamsen, surpresa umano ang muling pag-iikot ng CENRO sa mga barangay nitong buwan ng Disyembre upang makita kung sila ay sumusunod sa implimentasyon ng kalinisan at maka-kalikasan na barangay tulad ng tamang paghihiwalay ng mga basura, paggamit ng bio-degradable na supot at iba pang mga alituntunin.
Kada taon rin anya ang naturang programa upang mabisita at mamonitor kada buwan ang mga barangay na sakop ng Cauayan City.
Samantala, hindi naman itinanggi ng opisyal na may mga nasasakupang barangay pa rin ang hindi sumusunod sa waste segregation at ipinapaabot na lamang ito sa nakatalagang Barangay Ecological-Solid Management Board upang matutukan ang mga pasaway sa loob ng barangay.